Lalo pa umanong nagdulot ng pangamba at takot sa maraming mamamayan sa lalawigan ng Batangas ang panibago na namang lindol na tumama nitong hapon ng Sabado.
Iniulat ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na mas malakas ang naranasan nilang lindol ngayon na batay sa inisyal na pagtala ng USGS ay nasa 5.9 magnitude na ang sentro ay sa bahagi ng Mabini, Batangas.
Sa data ng Phivolcs ay nasa 6.0 magnitude ang lindol at ang lalim nito ay 24 kms.
Habang noong Martes ng gabi ay nasa 5.4 magnitude at ang sentro ay sa bayan ng Tingloy.
Ani Mandanas, mas malapit umano ngayon sa Batangas City ang epicenter kaya mas malakas itong naramdaman.
Sa inisyal na impormasyon pa na natanggap ni Mandanas, wala namang nasaktan sa panibagong malakas na lindol.
Gayunman merong iniulat na nagdulot ang pagyanig ng ilang pagbitak sa ilang istruktura, pagkabasag ng salamin at ilan pa.
Patuloy pa umanong kinakalap nila ang iba pang mga impormasyon.
Ang bahagyang lindol ay nagdulot din ng pagkawala ng suplay ng koryente sa lalawigan maging sa ilang bahagi ng Maynila.
Ilang mga residente rin ang lumikas at nanatili sa labas muna ng kanilang bahay, habang ang ilan naman ay tumungo sa mas mataas na lugar dahil din sa sunod-sunod na aftershocks.