VIGAN CITY – Nagpapatuloy ang puspusang clearing operations sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Hagibis sa Japan.
Sa report ni Bombo international correspondent Jennifer Pauline Mercurio na residente ng Bantay, Ilocos Sur ngunit nagtatrabaho bilang guro sa Osaka, Japan, nabanggit nito na naibalik na umano ang suplay ng koryente sa mga lugar na labis na naapektuhan ng nasabing bagyo.
Maliban pa sa mga clearing operations na isinasagawa sa ilang bahagi ng Japan na sinalanta ng bagyo, patuloy din umano ang search and rescue operations sa mga nawawalang residente.
Hindi ikinaila ni Mercurio na kahit ulan lamang ang naranasan nila sa kanilang lugar, marami umano sa mga Japanese ang nag-panic buying kaya nagkaubusan ng suplay ngunit nanumbalik na ang normal na suplay ng mga produkto sa mga supermarket at mall.