LEGAZPI CITY- Nagsimula ng maglinis ang mga residente ng Guam sa bakas ng pananalasa ng Super Typhoon Mawar.
Ayon kay Bombo International Correspondent Mary Grace Ines, sa 11 taon niya sa naturang lugar ay ngayon lang siya nakaranas ng napakalakas na bagyo na nagdulot ng pagkakatumba ng mga puno.
Nabatid na sa kasalukuyan ay wala pa ring suplay ng tubig at kuryente sa lugar dahil maraming kable ang naputol dahil sa malakas na hangin.
Kwento nito na pinasok rin ng tubig ang ilang mga kabahayan kaya inilikas ang ilang mga residente.
Hanggang sa ngayon ay sarado pa rin aniya ang mga grocery stores habang napinsala rin ang ilang mga gasoline stations.
Dagdag pa ni Ines na napilitan rin ang ilang mga paaralan sa Guam na kanselahin ang mga nakatakda sanang graduation ceremonies dahil sa tindi ng epekto ng naturang super typhoon.