-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) Task Force on Energy Resiliency na may sapat na suplay ng langis sa Ilocos region, Cagayan valley at Cordillera Administrative Region (CAR) sa kabila ng magkakasunod na pananalasa ng mga bagyo sa bansa.

Sa situation report ng ahensiya nitong Biyernes, Nobiyembre 15, walang napaulat na disruption ng suplay ng langis at sapat pa ito sa mga lugar na apektado ng kalamidad.

Pagdating naman sa estado ng downstream oil industry facilities, bulto ng mga pasalidad ay operational habang 3 oil retail outlets naman ang hindi operational.

Una na ngang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga concerned government agencies na tiyaking may sapat na suplay ng basic necessities, langis at kuryente sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Sa ngayon, ipinapairal ang price freeze sa household liquefied petroleum gas (LPG) na 11 kilogram cylinders pababa gayundin sa kerosene na magtatagal ng 15 araw mula nang ideklara ang state of calamity.