BAGUIO CITY – Umabot sa higit P100 million ang lugi ng mga flower growers sa Bahong, La Trinidad, Benguet na tinaguriang Rose Capital of the Philippines dahil sa epekto ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na nagresulta ng pagkawala ng demand sa mga cut flowers.
Gayunman, sinabi ni Bahong Punong Barangay Belmer Elis sa panayam ng Bombo Radyo na pinagpapasalamat nila na may natanggap na ayuda ang mga flower growers doon mula sa pamahalaan bagaman inamin niya na kulang ito sa pagsisimulang muli ng mga magsasaka.
Sa ngayon, unti-unti aniyang nagrerekober ang mga flower growers kung saan ilan sa mga ito ay nagtanim ng mga bulaklak para sa Araw ng mga Patay.
Gayunman, inamin ng mga flower growers na hindi sila sigurado kung may mga bibili sa kanila at kung sapat ang magiging suplay ng mga cut flowers.
Karaniwang dinarayo ng mga buyers mula Metro Manila at iba pang rehiyon ang Barangay Bahong tuwing huling linggo ng Oktobre para mag-angkat ng mga bulaklak.
Sa ngayon, ang dating makulay na mga taniman ng ibat-ibang bulaklak, partikular ng rosas na dinarayo ng mga turista ay bakante na.
Samantala, ikinalungkot din nila ang pagpapasara ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga pribado at pampublikong sementeryo doon dahil karamihan anila sa kanilang mga buyers tuwing Araw Ng Mga Patay ay galing ng Metro Manila.