LEGAZPI CITY – Nagkakaubosan na ng suplay ng pagkain at produktong petrolyo sa ilang lugar sa Japan dahil sa panic buying matapos ang pagtama ng magnitude 7.6 na lindol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Filipinas Takagi ang Bombo International News Correspondent sa Japan, mahaba na ang pila sa mga gasolinahan dahil marami ang nais na makabili ng mga produktong petrolyo sa pangambang magkaubosan ng suplay.
Limitado na rin ang ibinibentang maiinom na tubig kung saan hanggang sa isang karton lang ng bote ng tubig ang pwedeng ipagbili sa bawat pamilya.
Halos paubos na rin ang mga pagkain sa mga convenience stores kung kaya kinokontrol na ng gobyerno kung ilan lamang ang pwedeng maibenta.
Ayon kay Takagi, bagaman nakatutok na ang gobyerno ng Japan sa mga pangangailangan ng mga residente hindi maiwasan na magpanic buying lalo pa at wala pang dumadating na bagong suplay dahil sa mga nasirang daan.
Hindi naman maiwasan ni Takagi na maging emosyonal dahil sa pangamba para sa kanilang buhay at mga pamangkin na bumibisita lamang sa lugar ng tumama ang lindol.