Nananatili namang sapat ang mga supply ng sibuyas sa bansa kasunod ng naging pagtaas ng presyo nito sa mga nakalipas na linggo, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Paliwanag ni DA Assistant Secretary for Special Concerns and Official Development Assistance at Spokesperson Arnel De Mesa, inaasahan na hanggang Pebrero na mararamdaman ang tuluyang pagbaba ng mga presyo nito sa mga pamilihan dahil sa mga nakaimbak na sibuyas sa mga cold-storage facilities.
Ito ay sakto sa magiging harvest ng mga magsasaka para sa mga bagong ani ng sibuyas na hanggang Marso ang peak harvest.
Pagtitiyak naman ni De Mesa, walang dahilan para tumaas ang presyo ng sibuyas dahil kahit maubos man ang mga sibuyas sa mga storage facilities ay agad na mapapalitan ng mga bagong ani.
Samantala, sa huli namang price monitoring ng ahensya sa mga pamilihan ay naglalaro na sa mga presyo na P100 hanggang P180 ang kada kilo ng pulang sibuyas sa mga pamilihan sa Maynila.