KALIBO, Aklan — Halos isang linggo matapos ang pananalasa ng bagyong Odette, unti-unti nang naibabalik ang supply ng tubig, kuryente at kahit ang linya ng komuniskasyon sa Palawan.
Ayon kay Bombo correspondent Charlie Ligad ng Puerto Princesa City, Palawan na malaki ang kanilang pasasalamat dahil bumabalik na sa normal ang kanilang sitwasyon.
Ito aniya ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng sobrang lakas na bagyo, kung saan maraming kabahayan ang nawasak, mga linya ng kuryente at telekomunikasyon ang nabuwal at nasirang mga tulay.
Dagdag pa nito na hindi masyadong nasalanta ang mismong siyudad ng Puerto Princesa, ngunit sa hilagang bahagi nito malapit sa Roxas, Palawan ang labis na napinsala.
Patuloy aniyang nangangailangan ang kanyang mga kababayan ng food packs, gamot, kumot, temporary shelters at iba pa.