Nananatiling matatag ang suplay ng tubig sa Metro Manila sa kabilang ng nararanasang epekto ng El Niño phenomenon.
Ito ay base sa report ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at National Water Resources Board (NWRB) sa Task Force El Niño (TFEN) na idinaos noong Pebrero 12.
Kung saan kapwa tiniyak nina DENR Undersecretary Carlos Primo C. David at NWRB Executive Director Atty. Ricky A. Azardon na may ginagawa na silang mga hakbang bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may suplay ng tubig sa gitna ng epekto ng naturang weather phenomenon sa ating bansa.
Iniulat din ng 2 opisyal kay task force chairperson Defense Sec. Gilbert Teodoro na maigting na nagtutulungan na ang private water concessionaires sa pamahalaan para ma-monitor ang tumatagas at nasasayang na tubig sa Metro Manila para agarang matugunan ang anumang isyu.
Patuloy din ang assessment at monitoring nila sa kasalukuyang kondisyon ng Angat dam na nagsusuplay ng tubig sa buong Metro Manila kung saan ang antas ng tubig nito ay nasa 208.62 nitong Miyerkules na mataas pa rin naman mula sa critical level na 180 meters.