KORONADAL CITY – Maituturing na isang malaking karangalan sa buong larangan ng athletics ang mga nangyaring record-breaking at historic moments sa nagpapatuloy na 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay athletics coach Eduardo Buenavista, ikinatuwa nito na dahil sa patuloy na pagsusumikap ng mga atleta ay nadagdagan pa ng tatlong gintong medalya ang bansa sa larangan ng palakasan.
Kabilang dito ang pagkakapanalo ni Christine Hallasgo sa marathon event, at ang binansagan ng iba na bagong Sprint Queen na si Kristina Marie Knott na isang Filipino-American sa 400 meter run.
Ito’y matapos ma-break ni Knott ang long-time record ni Lydia de Vega noong dekada 80 sa record na 23.07 sa parehong event.
Ayon kay coach Buenavista, malaki ang naiambag ng pagbuhos ng suporta sa kanila dahilan na lumaki ang tiyansa nilang manalo sa kani-kanilang mga event.
Inamin din nitong nananatiling hamon para sa kanila ang mga powerhouse athletes ng Indonesia at Thailand.
Dahil dito, umaapela si coach Buenavista ng dagdag na suporta sa mamamayang Pilipino upang mapanalunan ng ating athletics team ang kanilang mga event.