DAVAO CITY – Aminado ang Davao del Norte Provincial Police Office na mahihirapan ang kapulisan kung walang suporta ng lokal na pamahalaan sa Tagum City.
Sa isinagawang presscon, inihayag ni Provincial Director PCol Antonio D. Alberio, Jr. bagama’t mahihirapan ang kapulisan kung walang suporta mula sa LGU, pero tanggap anya nila ang desisyon ng kanilang alkalde.
Maalalang inihayag ni Tagum City Mayor Uy, na binawi nito ang apat na patrol cars ng PNP at ititigil din anya ang suporta niya sa Tagum PNP. Ito’y matapos madismaya ang alkalde sa sunod sunod na rape-slay sa syudad at ang biglaang pagrelieved kay PLtCol Edgardo Bernardo bilang hepe ng Tagum PNP na hindi umano dumaan sa kanyang opisina.
Ikinalungkot ng hanay ng PNP ang nangyari pero nilinaw ng opisyal na ang desisyon sa “change of command” nagmula sa regional office at sinunod lamang nito ang ibinaba na mandato.
Nilinaw din ni PD Alberio ang alegasyon na hindi nagpapatrolya ang kapulisan. Masakit anya na marinig ang ganoong assessment mula sa alkalde lalo pa at may mga kasamahan silang nasa pagamutan ngayon matapos masugatan sa isinagawang operasyon sa lungsod.