BAGUIO CITY – Umabot sa 57,150cc o katumbas ng 57.15L at 12.57 gallons ng dugo ang nalikom ng Dugong Bombo 2020 na isinagawa kahapon dito sa Baguio City.
Kasunod ito ng matagumpay na blood letting activity ng Bombo Radyo Baguio, Star FM Baguio at Philippine Red Cross – Baguio City Chapter sa kabila ng naranasang sama ng panahon.
Isa sa mga 127 na successful blood donors ay si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na dating nagdo-donate ng dugo sa Dugong Bombo, na isa sa mga pangunahing Corporate Social Responsibility ng Bombo Radyo Philippines.
Ayon kay Mayor Magalong, mahalaga ang pagdo-donate ng dugo dahil maraming pasyente ang nangangailangan ngayon ng suplay ng dugo.
Maliban aniya sa magandang epekto sa kalusugan ng pagdo-donate ay nakakapagligtas pa ito ng buhay.
Dahil dito, hiniling ng alkalde ang suporta ng publiko sa mga blood-letting projects tulad ng taunang Dugong Bombo.
Samantala, nakatakdang isagawa bukas ang huling yugto ng Dugong Bombo 2020 sa City of Pines kung saan pangunahing mga blood donors ay mga kawani at police trainees ng PNP – Cordillera Administrative Region Training Center at mga interesadong residente ng Barangay Santo Tomas.
Nabigyan ng Dugong Bombo t-shirt at snacks mula sa Bombo Radyo Philippines at Philippine Red Cross – Baguio City Chapter ang mga successful blood donors.