Pinag-aaralan sa ngayon ni House Appropriations Committee Chairman Isidro Ungab ang posibleng gawing hakbang para mapaglaanan ng pondo ang mga proyektong na-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pambansang pondo ngayong 2019.
Ito’y matapos hilingin aniya ng ilang mga kongresista na maisama ang mga tinanggal na regular projects na ito sa 2020 proposed P4.1 trillion national budget.
Iginit ni Ungab na hindi kayang maisingit sa pondong gugulungin sa susunod na taon ang nasa P70 billion hanggang P90 billion na tinanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2019 General Appropriations Act (GAA).
Isa sa mga kinokonsidera ni Ungab ang pagpasa ng supplemental budget subalit depende pa rin daw ito sa kung ano mairerekomindang hakbang ng Ehekutibo.
Magpapatawag din siya ng pulong kasama ang Department of Budget and Management at Department of Public Works and Highways para makahanap ng mapagkukuhanang source ng pondo sa mga naisantabing proyekto.
Dahil sa may impact ang mga proyektong ito sa ekonomiya, tiniyak ni Ungab na hahanap sila ng paraan para maibalik ang mga pondong para sa mga ito.