-- Advertisements --
comelec rowena guanzon
Comelec Commissioner Rowena Guanzon

Nagbanta ngayon si Comelec Commissioner Rowena Guanzon na hindi nila babayaran ng buo ang supplier ng SD o memory cards dahil sa pumalyang halos 1,000 SD cards sa kasagsagan ng halalan.

Aniya, ang kontrata ng Comelec sa S1 Technologies & Silicon Valley Computer Group ay aabot sa P22.6 million.

Nais ding ipa-review ng Comelec ang kontrata sa SD cards kung matapos maiproklama na ang mga nanalong senador at partylist.

Una rito, inihayag ng Comelec na aabot sa 961 vote counting machines at 1,253 SD cards ang pumalya sa kasagsagan ng halalan nitong nakalipas na Lunes.

Sa kabilang dako maging ang National Printing Office (NPO) ay binanatan din ni Guanzon dahil sa mali-mali umanong pag-imprenta ng mga balota.

May ilang probinsiya raw kasing iba ang nai-print na pangalan ng mga kandidato sa mga balota.

Kinontrata raw ng NPO ang isang balota sa halagang P4 o katumbas ng mahigit 244,000,000 para sa mahigit 61,000 na botante sa bansa.

Kasabay nito nanawagan din si Guanzon sa mga kandidato na tanggalin na ang mga posters na kanilang idinikit.

Pinuna pa ng opisyal na kung may pera raw ang mga kandidato na ginamit sa pagkabit sa mga posters ay dapat naglaan din sila ng budget para sa pagbaklas ng mga ito.