-- Advertisements --
image 337

Matapos aprubahan sa huli at ikatlong pagbasa ang Kabalikat sa Pagtuturo Act (Senate Bill No. 1964), binigyang diin ni Senador Win Gatchalian na napapanahon na ang batas para gawin nang pamantayan ang pamimigay ng teaching allowance para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan.

Nakasaad sa panukalang batas ang pagkakaloob ng teaching allowance na maaaring gastusin para sa kagamitan na kailangan sa pagtuturo, kabilang ang bayad sa iba pang mga incidental expenses, at ang pagpapatupad ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo na kinikilala ng Department of Education (DepEd.)

Para sa School Year 2023-2024, isinusulong ang teaching supplies allowance sa halagang P7,500 kada guro. Tataas sa halagang P10,000 ang naturang allowance simula SY 2024-2025.

Paliwanag ni Gatchalian, pumasa na sa Senado ang kaparehong mga panukala noong 17th and 18th Congress.

Kaya naman dapat maging prayoridad ngayong 19th Congress ang pagsasabatas ng naturang panukala.

Ayon pa kay Gatchalian, bagama’t napopondohan naman ng Kongreso ang pagkakaloob ng teaching supplies allowance sa ilalim ng national budget, matitiyak ng batas na matatanggap ng mga guro taon-taon ang naturang allowance.