KALIBO, Aklan—Nananatiling sapat ang supply ng karne ng baboy sa isla ng Boracay kahit na nasa red zone ang sampung bayan ng Aklan dahil sa pagtama ng African Swine Fever o ASF virus.
Ayon kay Dra. Mabel Siñel ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) Aklan na karamihan aniya sa pork products na itinatawid sa mga establisyimento sa isla ay mula pa sa ibang probinsya, imported at locally made.
Nasa red zone na rin ang munisipalidad ng Malay na siyang may hurisdiksyon sa Boracay kung kaya’t maaari nang makapasok ang baboy at maging ang mga frozen at processed pork products sa isla mula sa mga red zone municipalities.
Ngunit kinakailangan parin ang transport permit, meat inspection certification at animal inspection certificate.
Dagdag pa ni Dra. Siñel na sa kabuuang 17 bayan sa lalawigan ay sampu rito ang apektado ng ASF Virus na kinabibilangan ng Balete; Batan; Ibajay; Lezo; Kalibo; Malay; Makato; New Washington; Numancia at Tangalan.
Kaugnay nito, nagpapatuloy ang mga hakbang ng gobyerno probinsyal sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture at Municipal Agriculture gaya ng Mass Testing, Surveillance, Culling, at Disinfection sa mga lugar at kagamitan upang matuldukan ang pagkalat ng virus.