-- Advertisements --

LA UNION – Naubusan ang mga drugstores dito sa syudad ng San Fernando ng supply na face masks.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo La Union ni Merlie D. Membrere, Provincial Director ng Department of Trade and Industry (DTI), base sa resulta ng monitoring report ng ahensiya.

Ipinaliwanag ni Membrere na ang pagkaubos ng supply na face masks sa iba’t ibang mga drugstores ay bunsod ng pagputok ng Taal volcano dahil marami ang bumili at ipinadala sa Batangas bilang bahagi sa ipinadalang tulong sa mga evacuees.

Bagamat may mga indibiduwal na bumili na rin ng face masks simula nang lumabas ang noong 2019 Novel Coronavirus bilang precaution.

Ngunit pinawi ni Membrere ang anumang pangamba ng mga residente dahil nananatiling NCOv free ang lalawigan ng La Union partikular dito sa syudad ng San Fernando.

Samantala, kinumpirma ng ilang empleyado sa mga botika na hinihintay na lang nila simula ngayong araw ang pagdating ng delivery ng mga supply na face mask.

Siniguro naman ni Membrere na babantayan nila ang presyo ng face masks para hindi samantalahin ng mga negosyante ang sitwasyon.

Ang ordinary o regular face mask ay nagkakahalaga ng P5 hanggang P38 habang ang N95 mask ay P67 bawat isa.