LEGAZPI CITY- Hindi pa naibabalik sa normal ang supply ng kuryente sa ilang mga bayan sa lalawigan ng Masbate kasunod ng naramdamang magnitude 6 na lindol.
Ayon kay Aroroy MDRRMO Head Ronnie Atacador sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi pa batid kung kaylan maibabalik ang power supply sa kanilang lugar subalit normal naman aniya ang supply ng tubig.
Matapos naman ang monitoring sa mga government offices ay nakita ang bitak sa dingding ng mga ito habang wala naman aniyang major damages.
Subalit sinabi ng opisyal na mahigpit nilang binabantayan ngayon ang mga lugar na nagkakaroon ng small scale mining dahil sa posibilidad na magdala ng panganib ang naturang pagyanig.
Samantala sa hiwalay na panayam kay Office of the Civil Defence (OCD) Bicol spokesperon Gremil Naz ipinagpapasalamat nito na walang naitalang casualties kasunod ng malakas na pagyanig.
Sa kasalukuyan ay passable naman umano ang lahat ng pangunahing kalsada sa buong lalawigan ng Masbate subalit pinag-aaralan pa kung papalawigin pa ang ipinapatupad na class suspension.