CAUAYAN CITY – Nasa 100 pursiyento nang naibalik ang suplay ng kuryente ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Cagayan na naapektuhan ng bagyong Maring.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Malou Refuerzo, Government Relations and Regional Affairs Lead Specialist ng NGCP, fully restored na raw ang kanilang linya noong gabi ng October 11, 2021.
Bahagya umanong natagalan ang pagbabalik ng supply ng kuryente sa kanilang linya lalo na sa Santa Ana line dahil may dalawang poste sa Gonzaga, Cagayan ang natumba dulot ng malakas na hangin na dala ng bagyong Maring.
Bukod sa hindi bumaba kaagad ang tubig baha ay mapanganib kapag ibinalik kaagad ang supply ng kuryente.
Nagkaroon din ng brownout sa Tuguegarao-Magapit Line noong Oktobre 12, 2021 ngunit agad ding naibalik ang supply ng kuryente.