Tiniyak ni Canned Sardines Association of the Philippines Executive Director Francisco Buencamino ang sapat na supply ng sardinas sa kabila ng pag-iral ng ‘closed fishing season’.
Mula bukas, Nov. 1, ay ipapatupad na kasi sa hilagang-silangan ng Palawan ang closed-fishing season habang magsisimula naman sa November 15 sa Visayan Seas at Zamboanga Peninsula.
Magtatagal ito ng tatlong buwan kung saan bawal muna ang manghuli ng mga isang mackerel at sardinas.
Ayon kay Buencamino, bago pa man ang implementasyon ng naturang polisiya ay nakahanda na ang kanilang grupo para tugunan ang demand o konsumo ng sardinas habang nasa kasagsagan nito.
Aniya, dati nang nag-ipon ng stock ng mga sardinas at mackerel ang grupo ng mga canned sardines manufacturer.
Ang mga naipong stock ay dati nang inilagay sa mga storage facilities, dumaan sa processing plant, at handang ilabas para matugunan ang konsumo o demand.
Tiniyak din ni Buencamino na magiging sapat ang naturang stock kahit hanggang sa kasagsagan ng holiday season kung saan inaasahan ding mas mataas ang konsumo.