Naihatid na ng World Health Organization (WHO) ang halos tatlong toneladang medical supplies, kabilang ang trauma kits at multipurpose tents, sa Nay Pyi Taw at Mandalay upang tugunan ang pangangailangan ng libu-libong apektado ng malalakas na lindol sa Myanmar.
Ang mga supply ay agad na naihatid mula sa emergency stockpile sa Yangon sa loob ng 24 oras matapos ang mga lindol na may lakas na 7.7 at 6.4 magnitude.
Patuloy ang rescue operations, ngunit ang mga ospital ay lubhang nabibigatan dahil sa dami ng nasugatan na nangangailangan ng agarang medical care.
Plano ng WHO na magpadala ng ikalawang batch ng Inter-Agency Emergency Health Kits na may kakayahang gamutin ang 10,000 tao sa loob ng tatlong buwan.
Ang WHO ay kasalukuyang nagbibigay ng suporta sa operational response teams sa mga ospital at magsasagawa ng rapid needs assessment upang mas maunawaan ang mga pangangailangan at kakulangan sa mga apektadong lugar.
Dahil sa lawak ng pinsala, patuloy na nagiging hamon ang tugunan ang pangangailangan sa pangangalagang pangkalusugan sa Myanmar, na dati nang humaharap sa humanitarian health crisis.