-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi na nagawang maitago ng tatlong katao ang dalang baril matapos na masita sa checkpoint sa Barangay Libod, Pandan, Catanduanes.

Arestado sina Prudente Pongan, 35-anyos; Roberto Bermejo, 36; at Eddieboy Corral, 24, awang residente ng bayan ng Caramoran.

Sinabi ni P/Cpt. Voltaire Jun Pedido, hepe ng Pandan Municipal Police sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, galing ang grupo sa sabungan sa Barangay Panoto kung saan nakitaan ng dalang baril.

Sa pagdaan sa nakalatag na checkpoint lulan ng motorsiklo, tinangka pa sanang itago ni Pongan ang baril na nakasilid sa sling bag sa pamamagitan ng pag-ipit sa may puwitan ni Corral.

Ngunit nang patayuin ng mga operatiba ang driver na si Corral, nalaglag ang sling bag na bahagyang nakabukas at tumambad ang nakausling caliber .45 pistol, maging ang dalawang magazines na may siyam na bala.

Ayon pa sa hepe, supporter si Pongan ng mayoralty candidate sa Caramoran habang pansamantalang nakalaya matapos na masangkot sa insidente ng pangho-holdap.

Sasampahan aniya ang mga ito ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act gayundin sa umiiral na gun ban ng Commission on Elections.