BAGUIO CITY – Sumugod sa harap ng Supreme Court (SC) sa Baguio City ang mga tagasuporta ni dating Sen. Bongbong Marcos.
Kasabay nito ang kanilang panawagan sa kataas-taasang hukuman na desisyunan na ang nakabinbin na electoral protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Robin Coteng, organizer ng grupong Marcos Pa Rin Loyalist, magta-tatlong taon na ang protesta subalit mistulang wala pa ring nangyayari.
Dahil dito, umaasa ang grupo na tatalakayin sa en banc summer session ngayong araw ang nasabing isyu.
Kumpiyansa anila sila na papabor sa dating senador ang magiging desisyon ng SC upang makapagsilbi na ang pinaniniwalaan nilang totoong bise presidente ng bansa.
Taong 2016 nang magsampa ng reklamo si Marcos sa SC na tumatayong Presidential Electoral Tribunal dahil umano sa iregularidad sa halalan.