Sinampahan na ng Philippine National Police (PNP) ng kaso ang supporters ni dating Cavite Gov. Jonvic Remulla na sinasabing sangkot sa vote buying.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code ang 10 supporters na naaresto nitong Linggo sa Bacoor City matapos umanong maiulat na nag-aabot ng pera sa mga botante.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Calabarzon officer in charge Col. Lawrence Cajipe, sumailalim na sa inquest proceedings nitong umaga ang mga akusado sa tanggapan ng Bacoor Provincial Prosecutor.
Batay sa ulat, naaktuhan ng mga otoridad ang pagaabot ng sobre ng mga naaresto matapos ang campaign rally ni Remulla sa lugar.
Nakita sa sobre ang tig-P200 na may kabuuang P75,800.
Na-recover din sa hiwalay na sobre ang perang nasa P83,500 kasama ang campaign wristbands at t-shirt.
Nauna ng nagpaliwanag ang dating gobernador, na ngayon ay tumatakbong kongresista, at sinabing para sa transportation allowance ng mga poll watchers ang nasabat na pera.
Dumepensa naman ang kapatid ni Remulla, na si incumbent Cavite Gov. Crispin ang ilang naaresto na sinasabing empleyado ng kapitolyo.
Sa ngayon magpaabot daw ng tulong legal ang gobernador sa mga naaresto habang magpapatuloy ang imbestigasyon ang PNP sa naturang kaso.