Kamakailan lang, nagpasya ang Supreme Court (SC) na ang mga search warrant ay kailangang malinaw at tiyak ang eksaktong lokasyon sa paghahanap, bilang proteksyon ng konstitusyon laban sa mga ilegal na search warrant.
Kaya’t isang desisyon ang pinagpasyahan ng Korte Suprema sa isang indibidwal na inakusahang may ilegal na pag-aari ng droga, dahil ang search warrant na ginamit sa kaso ay itinuturing na hindi tukoy at lumabag umano sa constitutional rights nito.
Maaalalang noong 2017, nagsagawa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng search warrant na tumutukoy sa lokasyon bilang ‘informal settlers compound, NIA Road, Barangay Pinyahan, Quezon City.’ kung saan ipinaliwanag ng SC na ang paglalarawan na ito ay itinuturing na hindi sapat ang detalye ng lugar, dahilan upang magsagawa ang mga awtoridad ng malawak at hindi kontroladong operasyon sa paghahanap sa buong compound.
Dahil dito, itinuring ng SC na hindi wasto ang search warrant ng PDEA, kaya’t pinawalang sala ang naturang indibidwal.
Binigyang-diin din ng SC na nilabag ng mga ahente ng PDEA ang mga alituntunin sa proseso habang isinasagawa ang operasyon. Ayon sa mga alituntunin ng Korte, kinakailangang ipaalam ng mga tagapagtupad ng batas ang kanilang presensya bago pumasok sa isang ari-arian, at pinapayagan lamang ang marahas na pagpasok kung tinanggihan ang pagpasok ng mga ito.
Ipinunto rin ng Korte na ang mga paghahanap ay dapat isagawa sa harap ng mga may-ari ng bahay, o kaya naman ay may kasamang dalawang saksi upang matiyak ang transparency at maiwasan ang mga posibleng pang-aabuso.