Inamin ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na nahihirapan sila na simulan kaagad ang pagsasagawa ng oral arguments sa kontgrobersiyal na Anti-Terrorism Act of 2020 dahil sa walang tigil na natatanggap nilang mga petisyon.
Ayon kay Peralta, sa dami ng inihahain sa Korte Suprema, hinahanapan pa nila ito ng “common grounds” na mga isyu.
Sa virtual press conference ng punong mahistrado na tinaguriang “Chief Justice Meets the Press,” sinabi ni Peralta na sa ngayon umaabot na sa 37 ang mga natatanggap nilang petisyon na kumukwestiyon sa legalidad ng bagong batas.
Aantayin daw nila ang hudyat ng justice-in-charge upang itakda na ang preliminary conference at konsultasyon.
Una nang umapela ang mga petitioners na sana magtakda na ang Supreme Court ng petsa sa pagsisimula ng oral argument lalo na at nailabas na ang Implementing Rules and Regulations ng kontrobersiyal na batas noong nakaraang linggo.
Hinihiling din sa petisyon na pansamantalang ipatigil muna ang pagpapairal ng Republic Act 11479.