-- Advertisements --
SC 1

Pinapurihan ngayon ng grupo ng mga abogado ang Supreme Court (SC) sa pagpalabas na rin ng mga panuntunan sa paggamit ng body-worn cameras ng mga pulis.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty Domingo Egon Cayosa, dating national president ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), sinabi nito na matagal na niyang ipinapanukala na gamitin ito maging sa anti-drug war campaign noon pa man.

Sang-ayon din si Cayosa sa pananaw na “game changer” ang pagsusuot ng mga cameras ng mga pulis sa mga operasyon lalo na sa pagsisilbi ng mandamiento de aresto o kaya ang search warrant.

Aniya, “deterence” ito sa pag-abuso ng mga pulis sa kanilang tungkulin at gayundin doon sa mga kriminal na binabaligtad ang sitwasyon upang ipahamak din ang mga law enforcement agencies.

Malaki rin aniyang pakinabang ito para maibsan ang mga paglabag sa karapatang pantao.

egon
Atty Domingo Egon Cayosa

Umaasa na lamang ito na sana madagdagan pa ang mahigit 3,000 body cameras na nasa inventory ngayon ng PNP.

“Nagpapasalamat tayo sa Supreme Court dahil finally nagpalabas na ng alituntunin tungkol sa mga body cameras,” ani Atty Cayosa. “Kung maalala ninyo ako po noong pangulo ng IBP ay isa doon sa mga nangunang nagpanukala na gamitin na ito ng PNP na kanilang binili na matagal ng body cameras na ‘di naman nagamit doon sa drug war kaya gamitin na dito sa pag-serve ng search o kaya arrest warrant.”

Samantala, nagpaabot din naman ng pasasalamat si PNP chief Guillermo Eleazar kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo sa ginawang tulong para sa pagbuo ng legal framework sa body-worn cameras.

Ayon kay Eleazar ang PNP at sina DILG Sec. Eduardo Año at Justice Sec. Menardo Guevarra, ang humingi ng tulong sa mga Supreme Court justices upang bumalangkas ng mga alituntunin.

body worn camera cameras PNP

Aniya, natutuwa sila na ang susunod na hakbang ngayon ng PNP ay isasali na ang naturang “Rules on the Use of Body-Worn Cameras in the Execution of Warrants” sa kanilang protocols na inaantay hindi lamang ng mga otoridad kundi ng taongbayan.

Inamin naman ni Eleazar na hindi pa nila natatanggap ang opisyal na kalatas hinggil dito mula sa Korte Suprema.

“Our next step is to study and incorporate the rules issued by the High Court into our own protocols para magamit na ang ating mga body-worn cameras na siya namang hinihintay ng ating mga kababayan,” pahayag pa ni Gen. Eleazar sa statement. “It was your Philippine National Police, through SILG Eduardo Año and SOJ Menardo Guevarra, which sought the wisdom of our SC Justices at kami ay natutuwa at nagpapasalamat na tayo ay pinagbigyan ng ating mga Mahistrado.”

Samantala sa 16 na pahinang resolusyon, kabilang sa sinabi ng Korte Suprema na kailangan pa rin ng mga law enforcement agencies na magkaroon ng alternatibong device sa implementasyon ng arrest warrant.

Kasama rin sa inilatag na patakaran ng mga mahistrado, dapat ipaalam ng mga pulis sa inaarestong suspek na isinisilbi nila ang warrant at inirerekord nila ito sa pamamagitan ng camera.

SC 2

Nakapaloob pa sa highlight ng procedures, ang sinumang police officer na nabigong gamitin ang body-worn cameras o paggamit ng alternatibong cameras, o intention na pagtakpan na makunan ang pag-aresto ay maaring maharap sa contempt of court.

Lalo na kung mapatunayang may pagmanipula sa video recording sa ginawang operasyon sa pag-aresto.

Gayunman, pwede raw maging exempted sa liability ang mga pulis kung hindi activated ang camera bunsod nang pag-malfunction nito.

Ang ginagamit na memory card sa recording ng body-worn cameras ay kailangan ding isumite nang nakaselyo sa korte na siyang nag-utos sa pagpapatupad ng warrant.

Una nang nakipagpulong ng dalawang beses si Eleazar sa Supreme Court para sa kahalagahan nang pagbalangkas ng patakaran sa paggamit ng body-worn cameras dahil na rin sa mga isyu ng harrasment, pagpatay sa ilang mga abogado at mga human right violations.