-- Advertisements --

Naniniwala si The Hague Academy of International Law alumnus, Atty. Dino Singson De Leon na wala nang magiging saysay kung maglalabas pa ang Supreme Court ng Temporary Restraining Order(TRO).

Maalalang kagabi(March 11) ay inihain nina Atty. Israelito Torreon at Atty. Raul Lambino sa Korte Suprema ang isang petisyon para hilingin sa korte ang paglabas ng TRO upang mapigilan ang pagbiyahe kay dating Pang. Rodrigo Duterte patungong Netherlands, ang headquarters ng International Criminal Court (ICC).

Gayonpaman, hindi kaagad naglabas ang SC ng TRO hanggang sa tuluyan nang lumipad ang eroplanong kinasasakyan ng dating pangulo.

Ayon kay Atty. De Leon, mahaba-haba pa sana ang time ng Korte Suprema upang pag-aralan ang petisyon at tuluyang maglabas ng TRO.

Maliban dito, alam din ng mga justice ang nangyayari aniya dahil buong araw na itong sentro ng mga balita sa buong Pilipinas, kayat maaari pa sanang nakapaglabas ng TRO, salig sa merito ng inihain na petisyon.

Bago mag-alas 11 kagabi ay hinintay ng grupo nina Atty. Torreon kung tuluyang maglalabas ang SC ng TRO upang dalhin sana sa Villamor Airbase, kung saan pansamantalang idinetene ang dating pangulo.

Pasado alas-11 ng gabi, tuluyan ding lumipad ang eroplano palabas ng bansa.

Ayon kay Atty. De Leon, wala ng saysay kung mayroon pang TRO dahil naka-alis na ang convoy ng dating pangulo.

Sa kabila nito, mayroon pa aniyang ilang mga legal remedy na maaaring gawin ang kampo ng dating pangulo, habang mahaba-habang proseso pa ang pagdadaanan nito, bago magsimula ang trial laban sa kaniya.