-- Advertisements --
surfing seag la union

LA UNION – Pangalawang araw na ngayon na kanselado ang surfing competition sa lalawigan ng La Union.

Dahil pa rin ito sa hindi magandang lagay ng panahon partikular sa karagatan bunsod ng bagyong Tisoy.

Kahapon sana magsisimula ang surfing competition ng mahigit 50 mga atleta mula sa pitong mga bansang kalahok kabilang ang Pilipinas ngunit temporaryong sinuspinde dahil sa hindi magandang kondisyon sa karagatan.

Gayunman, iginiit ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) na walang mangyayaring extension sa mga SEA Games competition.

Ipinagpaliban man ang paligsahan sa surfing sa La Union ngunit posibleng ituloy ito bukas, Disyembre 4.

Bago inanunsiyo ang suspension noong Lunes, isinagawa ng maaga ang rounds para sa men’s and women’s shortboard categories.

Samanatala, nanatiling mahigpit ang ipinapatupad na seguridad sa venue sa pamamagitan ng mahigit sa 1,000 security personnel.

Binawalan ang mga residente, bisita at pati mga athletes na lumusong sa dagat para makaiwas sa kapahamakan.

Sa kabilang dako una nang sinuspinde rin ang canoeing events sa bahagi ng Subic dahil na rin sa abiso ng Coast Guard.