LA UNION – Hindi nakapagsanay ang mga competitors ng Southeast Asian Games (SEA Games) para sa surfing competition dahil maliliit o mababa ang mga alon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Brig. Gen. Rey Lyndon Lawas, Task Force Commander ng STF 30th Southeast Asian Games, sinabi niya na ito ang isang problema na nakikita nila ngayon.
Sinabi ni Lawas na pagdating nila kahapon sa lalawigan kasama ang iba pang miyembro ng Task Force, ito ang unang napansin ng grupo sa pagpunta nila sa dagat partikular sa Surfing Capital of the North, sa bayan ng San Juan, kung saan gaganapin ang surfing event.
Dahil dito, imbes na magsanay ang mga surfers kahapon ay namasyal na lamang sila sa mga ilang tourist spots dito sa La Union.
Aminado si Gen. Lawas na malaking problema ito kung ganito ang magiging sitwasyon hanggang sa dumating ang araw ng paligsahan na nakatakdang magsimula sa Disyembre 2.
Kung maalala, napaaga ang pagdating ng mga delegado ng mga bansang kabilang sa surfing competition ng SEA Games sa La Union upang makapagsanay bago dumating ang araw ng kompetisyon.
Si GEN. Lawas ay nagpunta sa La Union upang magbigay ng guidance para sa mga pulis na magbabantay habang ginaganap ang SEA Games sa lalawigan ng La Union.