-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na mararamdaman umano ng mga high value targets (HVTs) ang “chilling effect” sa kanilang pinalakas na kampanya laban sa iligal na droga.

Nasa 893 na high value targets ang mino-monitor ngayon ng PNP kung saan tukoy na raw ang pagkakakilanlan ng mga ito ng PNP intelligence.

Ito ay bukod pa sa 1,656 drug users na nasa watchlist ng PNP.

Siniguro naman ni Albayalde na magiging “surgical and chilling” ang trademark ng kanilang pinalakas na anti-illegal drugs at anti-criminality campaign.

Wala na raw kawala ang mga high value targets, maging ang kanilang mga parokyano at mga protektor dahil tiyak na mapaparusahan ang mga ito.

Nais din ni PNP chief na magkaroon ng recalibration sa kanilang Oplan Tokhang ng sa gayon ma-account ang nasa 1,656 drug users at magiging relentless ito.

Sa ngayon nasa higit 1.4 million ng mga drug personalities ang accounted kung saan 4,540 ang nasawi sa police operations, 149,265 ang arestado habang boluntaryong sumuko ay nasa 1.2 million.

Ang nasabing datos ay mula July 1, 2016 hanggang June 30, 2018.

Paliwanag pa ni PNP chief, ang ibig sabihin ng recalibration ay evaluation sa mga naging accomplishments sa war on drugs at performance ng mga ground commanders.

Kung maaalala ang salitang “chilling” ay unang ginamit ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA upang isalarawan ang pinag-ibayo pang giyera laban sa iligal na droga.

Giit naman ni Albayalde,  siguradong tanggal sa pwesto ang mga commanders kapag hindi nag-perform sa kanilang mga trabaho.

Sa kabilang dako, inihayag ni Albayalde na ang pinalakas na Double Barrel ay ipapatupad ng may mga pagbabago na mayroong intensity, pero magiging maingat ang mga pulis sa paglulunsad nito ng sa gayon walang paglabag sa karapatang pantao.

Inihayag naman ni Albayalde na ang pagdeklara ng drug free ang isang barangay ay kanilang sinumite sa PDEA dahil ito ang may kakayahan na cleared sa drugs ang isang barangay.