BACOLOD CITY – Kaagad na iniutos ni Bacolod City Mayor Evelio Leonardia ang localized containment measures o surgical lockdown matapos maitala ang dalawang kaso ng Delta variant ng coronavirus sa lungsod.
Ayon kay Leonardia, kinumpirma ng Department of Health ang dalawang kaso ng Delta variant ayon sa resulta ng genome sequencing na isinagawa ng Philippine Genome Center.
Ang unang Delta variant positive ay 71-anyos na lalaki na residente ng Barangay Banago.
Siya ay isinailalim sa swab test nitong Hulyo 15 at nanatiling asymptomatic.
Limang miyembro rin ng kanyang pamilya ang nagpositibo sa COVID test ngunit sila ay mayroong mild symptoms.
Ang pangalawang Delta positive ay 32-anyos na buntis mula sa Barangay Sum-ag.
Siya ay isinailalim sa swab test nitong Hulyo 19 bilang requirement para sa buntis nang 36 weeks pataas.
Ang ina ay walang travel history at nananatiling asymptomatic.
Ang mister nito ay nagtratrabaho sa isang ospital sa Bacolod, asymptomatic at fully vaccinated ng Sinovac.
Ayon sa alkalde, iniutos nito ang localized containment measures o surgical lockdown sa Banago at Sum-ag kung saan nakatira ang dalawang pasyente.
Tiniyak din nito ang extensive contact-tracing efforts ng medical team.