BUTUAN CITY – Isina-ilalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Surigao del Norte at Surigao City matapos itong inirekomenda ng Surigao del Norte Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa pamamagitan ng PDRRMC resolution number 007, series of 2021 dahil sa lawak ng danyos na iniwan ni bagyong Odette.
Base sa situational report No. 6 mula sa tanggapan ni Governor Francisco Matugas na isinumite sa Office of the Civil Defense (OCD) Caraga, nakasaad na dahil sa malaking impact na hatid ng bagyo, apektado ang kabuuan nilang populasyon dahil ang lahat ay apektado sa interruption ng mga lifelines.
As of alas-kwatro kahapon ng hapon, nasa 18 katao pa rin ang naitalang patay sa nasabing lalawigan kungsaan 12 sa mga ito ay mula sa Siargao Island partikular sa bayan ng Sta. Monica na nasa 7, tatlo naman sa Del Carmen at tig-iisa sa San Isidro at Pilar.
Tatlo naman ang patay sa Surigao City at tig-iisa sa mga bayan ng San Francisco, Claver at Tubod.
Nasa 29 katao naman ang sugatan at 25 ang missing sa bayan lamang ng del Carmen.
Samantala sa kabahayan naman ng nasabing lalawigan, 90 hanggang 95-porsiento ang totally o kaya’y partially damaged habang 80-porsiento sa Siargao Island ang nawalan naman ng mga tirahan.
Ang mga airports ng Surigao City at Brgy. Sayac sa bayan ng Del Carmen, binuksan lamang para sa disaster-related response.
Dahil sa malawak na epektong hatid ni Odette, naka-half mast ngayon ang bandila ng Surigao City Hall.