BUTUAN CITY – Muli nang binuksan ngayong araw ang lalawigan ng Surigao del Norte para sa mga nagnanais na makapasok sa nasabing lalawigan lalo na ang mga turista na gustong makapagpasyal sa kanilang mga tourist spots.
Mahigpit ngayon ang tagubilin ng Provincial Government sa patuloy na pagpapatupad ng mga guidelines para sa mga tursita na inaasahang dadayo sa mga tourist spots ng probinsya.
Matatagpuan sa Surigao del Norte ang mga magagandang tourist destinations gaya ng white-sand beaches at surfing areas sa Siargao Islands.
Kailangan lamang na magpapakita ng kumpletong travel documents ang mga papasok sa probinsya gaya ng E-health pass, valid ID at kompirmadong booking sa kahit saan mang mga DOT-authorized accommodations.
Importante din na dapat mayroong negatibong resulta ng RT-PCR Test o kaya’y saliva test ang mga papasok at dapat din hindi pa ito lagpas ng 48 hours bago pa man dumating sa probinsya.
Kung ang papasok naman ay imbitado ng isang residente kahit fully vaccinated na ay kailangan pa rin ang negative result ng RT-PCR test at dapat mayroong travel certification mula sa mayor ng bayan na pupuntahan at kung mananatili ng isang linggo pataas, ay sasa-ilalim ito sa post antigen test.
Samantala ang mga APOR o Authorized Person Outside Residence naman, maliban sa negative result dapat mayroon din dalang travel o mission order mula sa kanyang boss.