BUTUAN CITY – Inilagay na ng provincial government sa pamamagitan ni Gov. Alexander Pimentel, ang buong lalawigan ng Surigao del Sur sa red alert status dahil sa hagupit ng bagyong Kabayan na ngayon ay naging low pressure na.
Kasabay nito ang pag-atas sa lahat ng mga local government units na magpatupad ng forced evacuations, mag-activate ng kanilang mga emergency centers, at tiyakin ang availability ng mga evacuation centers lalo na’t aasahan ang matinding mga pagbaha dahil sa patuloy na mga pag-ulan.
Sa ngayon ay wala pang abiso kung balik-trabaho naang mga public at private offices matapos ini-utos ni Gov. Pimentel ang temporary suspension nito.
Base sa datus mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO, umaabot na sa 70 mga barangay sa lalawigan ang apektado sa bagyong Kabayan.
Kasama na dito yaong 5,454 na mga pamilya o 19,362 na mga indibidwal na temporaryong tumira sa 83 mga evacuation centers sa iba’t ibang bayan sa naturang lalawigan.
Ito’y inaasahang magbabago pa dahil patuloy pa ang kanilang monitoring sa mga apektadong lugar.