BUTUAN CITY – Inireklamo sa Commission on Elections (Comelec) ang ilang local candidates ng Surigao del Sur matapos umanong masangkot sa vote buying.
Batay sa 57-pahinang petisyon ng isang Rogelio Pimentel, inakusahan nito ng paglabag sa batas sina incumbent Tandag City mayor Ayec Pimentel at mga kandidato sa pagka-governor, vice governor at konsehal na sina Glenn Pichay-Plaza; Roxanne Pimentel; John Paul Pimentel; Albert Perez; Hyna Buniao’ Rebecca Avila; Rey Geli; Imelda Falcon; Dennis Tan; Peng Azarcon; Seldio Pilonggo at Dodong Urbiztondo.
Bukod dito, dawit din sa reklamo si re-electionist Cong. Prospero Pichay.
Nakasaad din sa petisyon ang hiling ng complainant na ideklarang astray votes ang botong makukuha ng mga akusado dahil sa sinasabing paglabag ng mga ito sa panuntunan kontra pagbili ng boto.
Umaasa rin si Pimentel na tatanggalin ng Civil Service Commission at iba pang ahensya ang mga opisyal sa paghawak ng pampublikong opisina.