Magsasagawa ng surprise inspections ang PNP sa lahat ng kanilang mga kampo sa buong bansa upang masiguro ang pagsunod ng kanilang mga tauhan sa minimum health safety protocols.
Ayon kay PNP OIC Lt. Gen. Guillermo Eleazar, magpapalabas sila ng red teams para manita ng mga pulis na hindi naka-facemask at face shield sa loob ng kanilang tanggapan at maging sa kanilang area of assignment na requirement ngayon ng PNP.
Pagsasabihan lang aniya ang mga first-time violators, pero kung sila ay umulit ay sasampahan na ang mga ito ng administratibong kaso.
Ani Eleazar, ang hakbang ay inaprubahan ni PNP chief Gen. Debold Sinas, na ngayon ay naka-quarantine sa Kiangan Treatment Facility sa Camp Crame, matapos na magpositibo sa COVID-19.
Sinabi ni Eleazar, bahagi ito ng mga ipatutupad na hakbang ng PNP sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng aktibong kaso ng COVID sa kanilang hanay na lumagpas na sa isang libo.