Binigyang-diin ng ilang mga health experts ang kahalagahan ng surveillance upang matiyak pa rin ang pagiging epektibo ng mga ginagawang bakuna laban sa COVID-19.
Sa harap na rin ito ng bagong variant ng naturang virus na kumakalat na rin sa ibang parte ng mundo makaraang unang matuklasan sa United Kingdom.
Ayon kay Dr. Edsel Salvana, isang infectious diseases expert, magiging basehan ito ng mga siyentipiko at maging ng gobyerno upang mabago pa ang development ng mga bakuna.
Iginiit din ni Salvana na masyado pa raw maaga para sabihing may epekto sa efficacy ng mga na-develop nang COVID-19 vaccines ang bagong COVID variant.
“This is a continuing process, science has a way of dealing with it. Important to keep numbers of infection low, the more infection you have, the more opportunities for the virus to mutate,” wika ni Salvana.
“Also dapat nakabantay tayo, oras na na-detect natin na di na ganon kaganda yung vaccine, mate-tweak natin yung vaccine formulation para ma-retain natin yung same kind of activity,” dagdag nito.
Sa panig naman ni Dr. Socorro Escalante, Philippine representative sa World Health Organization, bagama’t hindi pa batid sa ngayon kung ano ang magiging implikasyon ng mutant sa efficacy ng mga bakuna, importante na ngayon pa lang ay mapigilan ang transmission o pagkalat ng virus.
“It is really very important to control and suppress the transmission, otherwise we will see more of this virus mutations and it would be more difficult if these mutations are very important in terms of increasing transmission, in effectivity, or even the severity of the illness,” ani Escalante.
Tiniyak naman ni Health Sec. Francisco Duque III na hindi “defenseless” ang bansa kahit na may bagong strain ang COVID-19.
“Kakanyunin natin lahat ito with minimum health standards, yun ang talagang panlaban dyan. Mag-iingat tayo, still fundamental. May laban tayo pero pag-iingat ang numero uno. Kung mas maraming kaso nagiging plataporma siya para sa mutation opportunity,” ani Duque.