LEGAZPI CITY – Palaisipan ngayon sa mga residente sa Pioduran, Albay ang dahilan ang unti-unting pagbagsak ng isang bundok sa boundary ng Brgy. Panganiran at Flores.
Kaugnay nito, nagsagawa ng exploration ang local disaster management team para kumuha ng samples at ipasuri sa DENR, MGB at PHIVOLCS.
Ayon kay Pio Duran MDRRMO head Noel Ordoña sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi naman ito landslide-prone area at hindi dulot ng mga pag-ulan ang pagbagsak ng lupa.
Taong 2006 unang namataan ang isang metrong pagbagsak nito sa pananalasa ng Bagyong Milenyo subalit lumikha na umano ng gully ngayon na nasa 4km ang haba at nasa 30m ang pinakamalalim na bahagi.
Kinain na rin ng dumausdos na lupa ang mayamang parte ng kagubatan na hindi pa natutukoy kung ilang ektarya na.
Ilang residente rin ang nagsabing nakakarinig sila ng malakas na dagundong mula sa ilalim ng bundok habang sinasabing may umaagos na tubig na pinaniniwalaang mula sa isang underground river.
Nasa 200 metro ang layo sa bumagsak na bundok ang kinatitirikan ng bahay ng tatlong pamilya na nakatakda nang ilipat.
Samantala, babalik pa sa lugar ang MDRRMO team upang maglagay ng markers na magsisilbing-babala sa mga magtatangkang mag-usyuso sa naturang geological phenomenon.