Tututukan daw ng Commission on Elections (Comelec) ang Caraga Region at Butuan City matapos lumabas ang survey na okey lang sa mga botante sa nasabing lugar ang vote buying.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay Comelec Chairman Sheriff Abas kasabay ng paglulunsas ng “Task Force Kontra Bigay” para sa nalalapit na halalan sa Mayo 13, sinabi nitong nakakabahala ang lumabas na survey.
Ito ay dahil ang mga botante na raw mismo ang umamin sa naturang gawain na paglabag sa batas.
Tiniyak naman ni Abas na mananagot sa batas hindi lang ang mga pulitikong namumudmod ng pera kundi pati ang mga tumatanggap ng pera mula sa mga kandidato.
Una rito, sa isinagawang survey ng Father Saturnino Urios University (FSUU) Policy Center, lumalabas na 73.54 percent ng mga respondent ang nagsabing tatanggapin daw nila ang perang ibibigay sa kanila ng mga kandidato kapalit ng kanilang boto.
Noong 2013, sa parehong survey, 80 percent sa 1,833 respondents din ang nagsabing hindi sila tutol sa vote buying.