-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nakatakdang i-airlift ng air ambulance ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang survivors mula sa tumaob na motorized banca sa baybayin na sakop ng Guimaras habang pinaghahanap pa rin ang isa pang biktima.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. Com. Christian Jasmin, tagapagsalita ng PCG-Palawan, sinabi nito na sinakyan ng tatlong empleyado ng Diamond Water Sports Hotel Boracay ang 18-gross tonage na motorbanca.

Bago ito, nanggaling ng Dumaguete ang motorbanca at papuntang Boracay ngunit pagdating sa baybayin ng Guimaras, doon na umano nangyari ang insidente nitong nakalipas na Pebrero 26.

Ilang araw ding nagpalutang-lutang sa dagat hanggang sa mapadpad sa Bon-Bon island, Cagayancillo, Palawan ang mga biktima na sina Remegio Espinosa ng Lapu-Lapu City, Jun Bernardo at Pepito Bernardo ng Romblon.

Maliban sa mga natamong galos, pasa at trauma, kinagat pa umano ng pating sa hita ang biktimang si Pepito Bernardo.

Samantala, nagdagdag na rin ng rescue team ang PCG upang makumpirma ang kanilang natanggap na impormasyon na na-rescue na ang isa pang kasamahan ng dalawang biktima na unang nasagip.

Ani Jasmin, ang dalawang biktima ay dadalhin sa ospital sa West Palawan para sa karampatang lunas.