-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ibinahagi ng isa sa 6 na mga survivors ng sinunog na pampasaherong bus ng YBL sa Bialong Mlang, North Cotabato kung paano ito nakaligtas at kung paano nito nakita ang ginawa ng mga suspek.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Dodong na residente ng South Cotabato, kasama nilang pasahero ang kasabwat ng mga suspek mula lungsod ng Kidapawan at pagdating ng Bialong ay bumaba ito at doon na nakaabang ang dalawang lalaki na nakamotorsiklo.

Umakyat ang mga ito sa bus at isa ang nanutok ng baril sa mga pasahero, habang ang isa naman ang nagsasaboy ng gasolina sa bahaging pintuan at sinilaban ang bus bago tumakas sa di pa malamang direksiyon.

Nakita umano ni Dodong na isang menor-de-edad ang isa sa mga kasama ng suspek.

Mabuti na lamang at mabilis na binuksan ng driver ang exit door ng bus sa likurang bahagi nito at tinulungan ang mga pasaherong makalabas.
Si Dodong, umano ang isa sa 3 mga pasahero na huling nakalabas sa sinunog na bus.

Dagdag pa ni nito, posibleng na-suffocate ang tatlong naitalang namatay dahil sa makapal na usok sa loob ng bus.

Sa ngayon, nagpapagaling na ang mga biktima sa ospital habang patuloy pa ang pagtukoy sa indibidwal o Grupo na nasa likod ng nasabing pangyayari.