-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang sinasabing gun runner sa isinagawang entrapment operation ng mga pulis sa Tomasaco 15th St., Macasandig Cagayan de Oro City kahapon ng hapon.

Kinilala ni Police Capt Mario Mantala Jr, hepe hepe ng Crime Against Persons and Property Desk (CAPPD) ang napatay na si Jerome Agcang, nasa tamang edad na miyembro ng Batang Mindanao 29 (BM29) at suspect din umano sa pagnanakaw ng baril sa mga guwardya na nakakatulog sa kanilang duty sa lungsod ng Cagayan de Oro.

Ayon kay Mantalla, sa pangatlong pagkakataon na isinagawa ang entrapment operation sa suspect ay matagumpay na nilang nabilhan ng baril ngunit nakatunog ito sa presensiya ng mga pulis kaya namaril pero mabilis namang nakaganti ng putok ang operating team kayat nagresulta sa pagkamatay ni Agcang.

Isinugod pa ito sa bahay pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay dahil sa natamong tatlong tama sa dibdib.

Aniya, maliban sa pagbebenta ng mga nakaw na baril, tulak din ito ng droga at suspek na mga robbery incidents.

Nakita sa pinangyarihan ang kalibre 38 na baril, P1500 na marked money at sling bag ng suspek na naglalamang ng tatlong pakete ng pinaniniwalaang shabu at isang teabag ng pinaniniwalaang marijuana.