-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang isang pinaniniwalaang miyembro ng ISIS-Inspired terror group na Ansar Al-Khilafah Philippines sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.

Ayon kay P/Supt. Samuel Cadungon, hepe ng Polomolok PNP, kinilala ang naarestong suspek na si Aladin Mamo na naaresto sa isinagawang raid ng PNP at AFP sa Sitio Bio, Barangay Lapu sa nasabing bayan ngunit nakatakas naman ang kapatid nitong si Russel Mamo.

Narekober din umano sa posisyon ni Aladin ang isang improvised explosive device (IED) at granada.

Inuugnay din umano ang magkapatid bilang remnants ng Al Khilafah local terror group sa ilalim ni Jeffrey Nilong, na itinuturong utak sa nangyaring pagpapasabog ng bomba sa harap ng birthing clinic sa Brgy, Apopong, General Santos City noong Setyembre 2019 na nag-iwan ng walong patay.

Ang grupo din nito ang responsable di umano sa mga serye ng krimen kabilang na ang robbery, carnapping at gun for hire sa bayan ng Polomolok at karating lugar.

Si Nilong din ang syang tumatayong lider ng grupo matapos na mapatay sa isang engkwentro noong Enero 2017 ang dating lider na si Mohammad Jaafar Maguid.

Sa ngayon, nakatakdang ng sampahan ng kaukulang kaso ang mga magkapatid at patuloy din ang manhunt operation laban sa nakatakas nga suspek.