CENTRAL MINDANAO- Sa inilabas na ulat ng Kabacan Cotabato RHU-Municipal Epidemiology Surveillance Unit nagtala ang Kabacan ng dalawang kaso ng tigdas para sa buwan ng Pebrero 2019.
Paliwanang ng tanggapan, ang dalawang kasong ito ay makaklasipikang epidemiologically-linked confirmed cases lalo pa’t ito ay sa Brgy. ng Kayaga naitala.
Ayon sa RHU-MESU, bagamat hindi pa naman laboratory confirmed ang naitalang tigdas, hindi makakaila na may isang kaso ng laboratory confirmed sa nasabing brgy. noong nakaraang taon.
Bagamat kinokonsidera na ito ng RHU na tigdas, inaantay parin ng tanggapan ang resulta mula sa laboratory.
Kaugnay nito, patuloy parin ang isinasagawang vaccination ng RHU sa mga brgy. ng bayan.
Muli namang nanawagan si Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr sa publiko na bisitahin ang mga barangay health centers o ang RHU upang makapagkonsulta sa tigdas vaccination.
Hinimok din nito ang publiko na ‘wag manganba sa bakuna laban sa tigdas dahil ito ay dumaan sa masusing pag-aaral at matagal na itong ginagamit sa ating bansa.
Samantala, pumangatlo naman ang lalawigan ng Cotabato sa may mataas na bilang ng tigdas na naitala sa buong rehiyon dose sa bilang na 68 (Enero1 – Marso 4, 2019) ngunit ipinagpasalamat naman ng Regional Epidemiology Surveillance Unit o RESU XII ang bilang na ito dahil ang nasabing bilang ay malayo sa critical level.
Anila, mas mababa ito ng 20% kumpara noong nakalipas na taon na may bilang na 85 sa kaparehong mga araw.
Sa huli, hinimok ng Kagawaran ng Kalusugan ang publiko na tangkilikin ang vaccination laban sa tigdas at panatilihing komunsulta sa mga eksperto sa oras na magpakita ng mga sintomas ang mga batang hindi pa naturukan ng bakuna.