Arestado ng mga tauhan ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) ang kidnapper ng 64-anyos na Filipino-American farmer na si Rex Triplitt sa isinagawang operasyon sa Barangay Arena Blanco, Zamboanga City.
Ayon kay PNP-AKG director B/Gen. Jonel Estomo, isinagawa ng mga tauhan ng AKG ang operasyon sa pakikipagtulungan sa mga tauhan ng PRO-9 Intelligence Division at Zamboanga City Police Office bandang alas-5:30 kahapon.
Kinilala naman ni Estomo ang nahuling bandido na si Anerson Manabahi Tungayao, residente ng Barangay Tapanayan, Sirawai, Zamboanga del Norte.
Narekober sa posisyon ni Manabahi ang isang M16 rifle.
Si Triplitt ay pwersahang dinukot ng mga armadong ASG members noong September 16, 2020 pero na-rescue ito ng militar at PNP noong September 30.
Target din sa nasabing operasyon ng AKG si ASG sub-leader Injam Yadah na nakatakas sa nasabing operasyon.
Sinabi ni Estomo ang grupo ni Yada at Tungayao ang responsable sa pagdukot kay Triplitt.
Ibinunyag din ni Estomo na nakatakda sana maglunsad ng panibagong kidnapping insidente ang nasabing grupo pero napigilan ito ng pulisiya bunsod ng operasyon.
Nagpapanggap na construction workers ang grupo ni Yada at Tungayao para makapaglunsad ng kanilang kidnapping at extortion activities.
Karamihan sa kanilang mga biktima ay mga negosyante sa Zamboanga Peninsula region.