GENERAL SANTOS CITY – Kinumpirma ni Dr. Ryan Aplicador, department head ng Dr. George Royeca Hospital sa Lungsod ng GenSan, na mayroon silang pasyente na na-confine dahil sa pinaghihinalaang meningococcemia.
Ayon kay Dr. Aplicador, agad nilang in-isolate ang naturang 15-anyos na babaeng pasyente.
Sa pahayag ni Dr. Aplicador, binigyan din agad ng prophylaxsis ang mga nag-asikaso sa nasabing pasyente para panlaban sa virus.
Delikado aniya ang nabanggit na sakit kung saan airborne ito at maaaring marami ang maapektuhan kung hindi agad mabibigyan ng aksyon.
Idinagdag pa ng doktor na kanilang ipapasuri ang dugo ng pasyente sa accredited laboratory para makumpirma ang kaso ng meningococcemia.
Dapat din daw matutukan ang mga kamang-anak ng biktima para hindi mahawa kung totoong meningococcemia ang sakit ng dalagita.