BAGUIO CITY – Nakatakas at nakaiwas mula sa pag-aresto ng mga otoridad ang isang lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at mga tauhan nito sa Apatan, Pinukpuk, Kalinga.
Puntirya ng operasyon si Danason Maggay, lider ng Section Committee 2 ng Kilusang Larangang Guerilla Baggas o ng Marcial Daggay Command ng NPA na may operasyon sa Kalinga at mga tauhan nito.
Nagtungo ang nagsamang pwersa ng mga pulis at militar sa nasabing lugar para isilbi ang warrant ng mga nasabing rebelde sa kampo ng mga ito.
Gayunman, agad nakatakas ang mga rebelde patungo sa bundok nang malaman na patungo sa kanilang kampo ang tropa ng pamahalaan.
Nagsagawa ang mga otoridad ng hot pursuit operations ngunit bigo silang mahuli ang mga rebelde kaya tinapos ang operasyon matapos ng aabot sa 14 na oras.
Narekober sa kampo ng mga rebelde ang isang caliber .45 pistol, dalawang short magazines, 15 na bala at isang hand-grenade.
Samantala, inihayag ng Kalinga Provincial Police Office na malaki na ang paghina o pagbawas ng lakas ng mga rebelde sa kanilang lalawigan.
Sinabi ng pulisya na ito ang dahilan kung bakit mas hinigpitan ng mga rebelde ang pag-recruit sa mga estudyante.
Dahil dito, iniya-apela ng mga pulis sa mga magulang at mga guro ang pagpapaalala at pagpapayo ng mga ito sa mga estudyante laban sa pagsapi sa rebeldeng grupo dahil masisira lamang ang buhay at hinaharap ng mga ito.