-- Advertisements --

Nakasagupa ng mga tauhan ng Patikul PNP at Special Action Force (SAF)  ng grupo nang tinaguriang Ajang ajang na umano’y nasa likod ng twin bombing nitong nakalipas na Linggo sa Jolo cathedral.

Umigting ang sagupaan bandang alas-6:30 kagabi sa may Kalimayan village, Brgy. Latih, Patikul, Sulu.

Napatay sa sagupaan ang isang Ommal Yusop, 62, habang nakatakas naman ang isang alias Kamah at isa pa nitong kasamahan.

Sila ang tinutukoy na mga suspeks umano sa magkasunod na pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral.

Si alias Kamah ang isa mga persons of interests na nahagip sa CCTV video.

Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. Bernard Banac, nagsasagawa nang hot pursuit operations mga pulis kasama ang regional mobile force battalion laban sa mga suspek nang makarating ang mga tropa sa nasabing lugar na agad daw silang pinaputukan ng suspek na si Yusop.

Narekober sa crime scene ang isang caliber .45 pistol (SN JP3277290), isang empty shell ng caliber .45, limang live ammunitions ng caliber .45 at isang magazine.

Dagdag pa ni Banac, magpapatuloy ang hot pursuit operations laban kay alias Kamah at sa iba pa nitong mga kasamahan na mga suspek sa paghahasik ng karahasan.

Kahapon napansin din ang ginawang air strike na inilusand ng air asset ng PAF sa bahagi ng Patikul.

Una nang iniutos ng Pangulong Rodrigo Duterte sa militar na pulbusin ang natitira pang grupo ng Abu Sayyaf sa lalawigan ng Sulu.