Nahuli na matapos ang isang dekadang pagtatago ang isa sa dalawang mga suspek na pumatay sa isang pulis ng kasapi ng anti-illegal drugs operative.
Ang arestado ay si Fulvio Libre alias Amay, 42 anyos,residente ng Barangay Bakhaw, Mandurriao, Iloilo City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Mark Evan Salvo, hepe ng Police Station 1, sinabi nito na nahuli si Libre sa Poblacion Ilawod, Zarraga, Iloilo sa pamamagitan ng arrest warrant para sa kasong murder dahil sa pagpatay kay Police Officer 1 (Patrolman) Jomarie Lamis noong Nobyembre 2010 sa Muelle Loney Street, Iloilo City Proper.
Ayon kay Salvo, in-isyu ang nasabing arrest warrant noong Abril 4, 2011 ni Judge Danilo Galvez ng Regional Trial Court Branch 25.
Maliban kay Libre, suspek rin si Rene Esnaldo na tinuturong bumaril kay Lamis samantalang si Libre naman ang driver ng motorsiklo na ginamit sa krimen.
Ang mga suspek ay tinuturong myembro ng Prevendido illegal drug syndicate.
Pinaniniwalaang motibo sa pagpatay ay ang hinawakan ni Lamis na mahigit sa 50 mga kaso kaugnay sa iligal na druga na nai-file sa korte.